
Ni EDWIN MORENO
ANTIPOLO City, Rizal – Hindi na nagawa pang isugod sa pagamutan ang isang street sweeper matapos madaganan ng poste ng Meralco ang sinasakyang tricycle sa Barangay dela Paz, kahapon ng umaga.
Batay sa paunang ulat ng Barangay Command Center na unang rumesponde sa insidente, kinilala ang nasawing pasahero sa pangalang Erlinda Tolosa, kawani ng Antipolo City General Services Office at residente ng Purok Imelda sa nasabing lungsod.
Matinding pinsala rin sa katawan ang tinamo ng drayber ng tricycle.
Sa imbestigasyon ng Barangay dela Paz, lumalabas na pauwi na ang biktimang lulan ng tricycle nang tyempong bumigay ang poste ng Meralco sa likod ng Infant Jesus Academy.
Ayon sa mga residente, paulit-ulit nang tinawagan ng pansin ang Meralco sa nakaambang peligro ng naturang poste – “Matagal na namin tinatawag yan sa Meralco, wala naman aksyon,” wika ng isang residenteng nakatira sa tapat mismo ng posteng bumagsak.
Bilang patunay ng alegasyon ng kapabayaan sa panig ng Meralco, pinasahhan din ng naturang residente ang SAKSI PINAS ng kopya ng larawang makailang ulit na ipinadala di umano sa utility company bago naganap ang malagim na insidente.


Sa mga nakalipas na panahon, walang humpay na batikos din ang tinatanggap ng Meralco bunsod ng mga posteng nakatindig sa mismong kalsada.
Nananatiling putol sa linya ng kuryente sa Sitio Imelda at mga karatig ng komunidad dahil sa nasabing insidente.
Samantala, nakikipag-ugnayan na di umano ang Meralco sa pamilya ng mga biktima.