SA halip na maghintay sa pangakong supply ng Department of Health (DOHH), nagpasya ang Pasig City government na bumili na lang direkta sa mga manufacturer ng bakuna kontra pertussis sa ibayong dagat.
Para kay Pasig City Mayor Vico Sotto, hindi angkop na isantabi ang kapakanan ng tinawag niyang “vulnerable sector” sa gitna ng patuloy na banta ng pertussis sa bansa.
Sa isang pahayag, kinumpirma din ng pamahalaang lungsod ng Pasig na dumating na ang nasa 20,000 Tetanus-Diphtheria-Pertussis (TDAP) vaccines kontra pertussis.
Anila, prayoridad ng lungsod agad turukan ng bakuna kontra pertussis ang sektor na pasok sa kategorya ng vulnerable population kabilang ang mga buntis na nasa 28 hanggang 36 linggo ng pagdadalang-tao, at mga batang edad 5 hanggang 10 taong gulang
Base sa mga pag-aaral ng mga eksperto, mabisang panlaban ang TDAP hindi lamang sa pertussis kundi maging sa tetano at diphtheria.
Panawagan ni Sotto, magtungo sa health center ng barangay para sa libreng turok ng bakuna. Gayunpaman, nilinaw ng alkalde na para lamang sa mga residente ng lungsod ang TDAP.
Samantala, tiniyak ni Sotto na tuluy-tuloy ang isinasagawang Supplemental Immunization Activity ng City Health Department para sa mga bata na may edad 6 linggo hanggang 59 buwan laban sa vaccine-preventable diseases.
