MALAYO pa ang itinakdang petsa para sa paghahain ng kandidatura, pero sa bayan ng Alaminos sa lalawigan ng Pangasinan, animo’y panahon na ng kampanya.
Dangan naman kasi, may kumanta – isang empleyado ng Department of Social Welfare and Development (DSWD). Itago natin ang DSWD employee sa pangalang Sandra.
Ayon kay Sandra, inatasan di umano sila ng isang opisyal ng ahensya na kausapin ang mga benepisyaryo ng ayuda ng gobyerno na huwag tumanggap ng tulong mula sa tanggapan ni Senador Bong Go.
Mahigpit din aniya ang tagubilin sa kanila – maski pangalan ni Bong Go, hindi pwede banggitin sa mga pagtitipon para sa pamamahagi ng tulong sa mga maralitang pamilya sa nasabing probinsya.
Susmaryosep! Masyado yatang napaaga ang barakuhan para sa susunod na halalan… sikuhan, barakuhan, dinadamay pati mga mamamayan.
Ang totoo, hindi ko personal na kilala si Senador Bong Go. Ilang ulit ko na binira si Go sa mga akda kong pitak bilang peryodista? Di ko na matandaan kung ilan at lahat yun may basehan.
Nakakainis lang talaga ang diskarte ng mga trapo lalo pa’t nagdurusa ang sambayanang Pilipino sa gitna ng delubyong dala ng lintek na El Niño.
Bakit kailangan gamitin ang mga kawani ng kagawaran para gibain ang nakikinitang kalaban sa halalan? Ang masaklap, ginagamit ng mga damuho ang ayuda ng gobyerno sa tila napaagang pangangampanya.
Sa aking pagtatanong sa mga kaibigan sa lalawigan ng Pangasinan, kumpirmadong ginigiba si Bong Go at apat na iba pa, habang itinutulak naman ang pangalan ng mga napipisil na kandidato ng administrasyon para sa 2025 senatorial derby.
Maging sa ibang lalawigan, ganun din ang diskarte ng ahensya – hindi pwede imbitahan ng mga lokal na pamahalaan si Bong Go. Bawal din humingi ng tulong sa naturang senador.
Sa gawing Mindanao, nganga ang mga benepisyaryo ng ayuda. Katwiran ng ahensya, wala pang pondo… pero bakit pag kaalyado ng administrasyon may nakahandang pondo, pwede rin dumalo sa pamamahagi ng ayuda, pati pangalan ng tuta nakabandera.
Isa lang ang malinaw, ginagamit ng administrasyon ng pondo ng gobyerno para isulong ang mga tutang nais bigyan ng pwesto sa senado.
Galawang trapo! Yan ang totoo.
