ANG batas na dapat ipinatutupad ang nagdala sa piitan sa isang pulis matapos dakpin ng kabaro sa pinaigting na operasyon ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) kontra yosi smuggling sa lalawigan ng Zamboanga del Sur.
Kinilala ang arestadong pulis sa pangalang Cpl. Ladja Abdul Michael Taulani. Hagip rin sa ikinasang operasyon ang isa pang nakilala sa pangalang Brown Edward Aquino Charlies ng Brgy. Culo, Molave, Zamboanga del Sur.
Sa ulat na natanggap ng Kampo Crame, isang timbre ng kanilang impormante ang nagtulak sa CIDG field unit hinggil sa bentahan ng smuggled yosi sa Zamboanga Sibugay at Zamboanga del Sur.
Agad na inilatag ang operasyon laban sa mga suspek katuwang ang Bureau of Internal Revenue (BIR) at Department of Health (DOH) sa Purok New Society, Brgy. Culo, Molave, Zamboanga del Sur.
Napag-alamang nagpanggap na undercover ang isang pulis at nang positibo ang transaksyon ay agad na dinamba ng mga awtoridad ang mga suspek.
Nakumpiska sa mga suspek ang 16 na kahon ng Astro (Red) na sigarilyo na nagkakahalaga ng P560,000, isang pistola na may dalawang magazine assemblies at 25 basyo ng bala, dalawang kotse, at marked peso bills.
Dinala sa CIDG Zamboanga del Sur Provincial Field Unit ang mga suspek at ang mga nasamsam na ebidensya para sa dokumentasyon at tamang disposisyon.