KESEHODANG tirik ang araw o mabigat ang buhos ng ulan, bawal sumilong ang mga riders sa ilalim ng mga flyover at footbridge sa National Capital Region (NCR), ayon sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).
Babala ni MMDA Chairman Atty. Don Artes sa motorcycle riders, pagmumultahin ng P500 ang mga aabutan nakahimpil sa ilalim ng mga flyover at footbridge.
Ayon kay Artes, hindi makakalusot sa mata ng MMDA sa tulong ng mga CCTV monitor ang pagkukumpulan ng mga riders sa ilalim ng mga flyover at footbridge sa tuwing bubuhos ang malakas na ulan.
Aniya, ang pagkukumpulan ng mga motorsiklong nakasilong sa mga footbridge ang karaniwang dahilan ng pagbigat ng daloy ng trapiko.
Para aniya makaiwas sa aksidente at nakaambang multa, pakikiusapan di umano ng MMDA ang mga gasolinahan na pahintulutan ang MMDA na maglagay ng tent para sa mga riders na makikisilong sa tuwing bubuhos ang ulan.