PIHADONG pahirapan para sa Philippine Coast Guard (PCG) ang paghingi ng malaking budget para sa susunod na taon, matapos igisa ng Senado ang naturang sangay ng Armed Forces of the Philippines (AFP) kaugnay ng pagbili ng P7.8 milyong halaga ng sports utility vehicle (SUV) noong nakalipas na taon.
Para kay Senate Minority Leader Koko Pimentel, hindi angkop na palampasin lang ng lehislatura ang aniya’y katampalasan ng PCG, batay na rin sa resulta ng pagsusuri ng Commission on Audit (COA).
Ayon pa kay Pimentel, inaasahang sisilipin ang naturang bulilyaso ng PCG sa nalalapit na pagsisimula ng deliberasyon para sa 2024 national budget.
Una nang sinabi ng pamunuan ng Kamara ang planong pagtalakay sa 2024 national budget pagpasok ng buwan ng Agosto, na sasabayan naman ng marathon hearing sa Senado.
“We will question during budget season,” wika ni Pimentel.
Inihayag naman ni Senador Sonny Angara, chairman ng committee on finance, na dapat alam ng lahat ng opisyal ng gobyerno ang patakaran sa pagbili ng sasakyan.
“Iyan ang trabaho ng mga abogado at legal officers nila,” aniya.
Ayon sa COA, taong 2022 nang bumili ang PCG ng isang Toyota Land Cruiser Prado – isang sasakyang pasok sa kategorya ng luxury vehicle, bagay na ipinagbabawal sa lahat ng tanggapan ng pamahalaan batay na rin sa umiiral na Administrative Order No. 14.
Sa rekord ng COA, umabot ng P7.8 milyon ang halaga ng naturang sasakyan – P4,999,000 para sa bare unit at P2.8 milyon para sa bulletproofing.
Katwiran ng PCG, kailangan ang naturang sasakyan upang matiyak ang kaligtasan at seguridad ng komandante at maitaguyod ang mandato ng ahensya – bagay na sigot agad ng COA na nagsabing masyado na maraming sasakyan ang PCG.
Katunayan anila, mayroon 459 service vehicles ang nasa pangangalaga ng naturang sangay ng AFP.
“Considering the total number of motor vehicles owned by the PCG, the necessity of acquiring new vehicles to utilize the rebates from Petron Corp. cannot be adequately established,” giit ng COA report.
“We recommend and Management agreed to secure a post facto approval from the Secretary of Budget and Management on the acquisition of the Toyota Land Cruiser Prado pursuant to AO No. 17 s. 2018 and submit the same to the Office of the Auditor,” dagdag ng COA.
Sinabi naman ni Senador Win Gatchalian na mahirap idepensa ang pagbili ng luxury car ng PCG sa gaganaping deliberasyon sa badyet.
“Iyong high-end mahirap i-justify iyan kahit na Commodore ka. Hindi maju-justify iyong high-end, kung proven na high-end,” aniya.
“Iyan sigurado ako lalabas yan. In fact, if you look at the budget hearings, karamihan ng mga tanong tungkol sa COA report. Napakahalaga ang trabaho ng COA at ang Kongreso at Senado, sineseryoso ang report COA,” giit pa ng mambabatas.