MULING nadadagdagan ang talaan ng mga mamamahayag na pinaslang sa ilalim ng administrasyong Marcos.
Sa bayan ng La Castellana, lalawigan ng Negros Occidental, dead-on-the spot ang isang radio broadcaster matapos baunan ng bala sa ulo ng hindi pa natutukoy na salarin.
Batay sa inisyal na impormasyon ng Philippine National Police (PNP), kinilala ang biktima sa pangalang Julio Calo, 49-anyos, at sinasabing community radio announcer.
Sa imbestigasyon ng pulisya, dakong alas 2:00 ng hapon nang huminto ang isang puting sports utility vehicle (SUV) sa tapat ng bahay ng biktima. Paglabas umano ni Calo sa kanyang tahanan, lumapit ang suspek na agad binaril sa ulo ang biktima.
Mabilis na tumakas ang salarin. Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa motibo at pagkakakilanlan ng salarin.
