
KINUWESTIYON ni forensic pathologist Dr. Raquel Fortun ang teoriya na malakas na sampal ang dahilan ng pagkamatay ng 14-anyos na estudyante sa Antipolo City.
“I think it’s a stretch because in this case, we have a 14-year-old. We’re not talking about a baby. It could be applicable if it were a baby with undeveloped muscles and bones, and who couldn’t defend themselves,” sabi ni Fortun sa interview ni Ted Failon.
Ayon sa death certificate ni Francis Jay Gumikib, namatay ito sa acute intraparenchymal hemorrhage o brain hemorrhage.
Sinabi ni Fortun na hindi malinaw ang dahilan ng pagkamatay. Hindi umano tinukoy sa death certificate ang ‘underlying cause’ na mahalaga sa kung ano ang dahilan ng hemorrhage.
Nasa death certificate din na “suspected presumptive pulmonary tuberculosis” at “child physical abuse” ang dahilan sa pagkamatay ng bata.
Sinabi ni Fortun na hindi malinaw kung ang mga kondisyon na ito ay dahilan ng kamatayan ng biktima.
Sa hiwalay na panayam, sinabi ni Fortun na ang pagsasagawa ng awtopsiya ay mahalaga para sa mas komprehensibong report para malaman ang eksaktong dahilan ng pagkamatay.
Ayon sa ina ng biktima na si Elena Minggoy, sinampal ng guro ang kanyang anak noong Setyembre 20 matapos umanong sabihin ang mga nag-iingay na kaklase sa Peñafrancia Elementary School in Antipolo City.
Matapos sampalin, ininda ng biktima ang masakit na tenga at pagkahilo pero pumapasok pa rin ito sa klase hanggang noong Setyembre 26 nang isugod sa Amang Rodriguez Memorial Medical Center.
Na-comatose ang biktima at noong Oktubre 2 ay namatay na ito.
“If there is bleeding in the brain cells, and you try to connect that to the act of slapping, it’s a bit difficult because, looking at the circumstances, he was hospitalized 5 days after the alleged incident,” sabi ni Fortun.