Ni ROMEO ALLAN BUTUYAN II
KASADO na ang pagsasagawa ng Bagong Pilipinas Serbisyo Fair (BPSF) na programa ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. katuwang ang liderato ng Kamara, partikular sa tatlo pang lalawigan sa rehiyon ng Mindanao para sa pamamahagi ng bilyong pisong halaga ng iba’t-ibang serbisyo ng gobyerno, financial aid, at livelihood assistance ngayong Mayo at sa susunod na buwan ng Hunyo.
Sa isang kalatas, tiniyak ni House Speaker Martin Romualdez na walang lugar na lalampasan sa Mindanao ang Serbisyo Caravan na may dalang tulong para sa mga maralitang pamilya sa Mindanao at iba pang bahagi ng bansa.
“Apat sa 18 na mga lugar at lalawigan ay nasa Mindanao. Halos lahat na ng rehiyon ay napuntahan na ng Serbisyo Caravan na ito, kasama ang Bukidnon, Agusan del Norte, Sultan Kudarat, at Davao de Oro. At sa mga susunod na mga araw at linggo, pupunta naman tayo sa Zamboanga City, Tawi-Tawi, at Davao del Norte,” wika ni.
Ayon pa sa lider ng 300-plus-strong House of Representatives, pasok din sa handog ng administrasyon ang Cash and Rice Distribution (CARD) Program; Integrated Scholarships and Incentives Program (ISIP) for the Youth; Start-up, Investment, Business Opportunity and Livelihood (SIBOL); at Farmers Assistance for Recovery and Modernization (FARM) na pawang bahagi ng kanyang inisyatiba.
Aniya pa, ang mga nabanggit na mga programa ay magkakasamang ihahatid sa Zamboanga City sa Mayo 10-11; sa Mayo 25-26 naman sa Tawi-Tawi at sa Davao del Norte sa Hunyo 7-8.
Ani ni Speaker Romualdez, sa pamamagitan ng Serbisyo Caravan ay lubos na napapakinabangan ng mga mamamayan ang Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) program ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at sa pamamagitan naman ng Department of Labor and Employment’s (DOLE) ay ang Tulong Panghanapbuhay sa ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) program.
“Sa ilalim ng direksyon ng ating mahal na Pangulong Bongbong Marcos, patuloy ang ating pag-abot sa ating mga kababayang dumadaing sa hirap ng panahon. Alam ito ng ating mahal na Pangulo, kaya ang marching order niya sa buong pamahalaan ay gawin ang lahat para maramdaman ng mga tao ang tulong mula sa gobyerno,” dagdag ng Leyte lawmaker.
“Bukod dito, marami pang programa ang gobyerno katulad ng free college education, free health insurance, at ang pagbibigay ng direct cash subsidies. At hindi lamang ‘yan, kami dito sa Kongreso ay inatasan ng mahal na Pangulo na mag-isip pa ng mga paraan para sa ika giginhawa ng ating mga mamamayan,” dugtong niya.
Sa kabuuan, nasa 18 lugar at lalawigan sa bansa ang napuntahan na ng caravan bitbit ang nasa P1.2-bilyong halaga ng government services. Katunayan aniya, umabot na sa 150,000 benepisaryo ang nabiyayaan ng cash grants – “…sa Sultan Kudarat pa lang yan.”
Bukod aniya ang 500,000 kilong bigas, scholarship at livelihood aid para sa mga residente ng naturang bahagi ng bansa.
“Para sa lahat ng inisyatibang ito alinsunod sa hamon ni Pangulong Marcos na magkaloob ng direktang serbisyo sa mga tao, naging katuwang natin ang AICS ng DSWD para tugunan ang pangangailangan ng mga vulnerable sectors, mga mag-aaral na nahihirapan sa gastusin sa paaralan, mga magsasaka na kailangan ng kaunting tulak para umarangkada, at mga maliliit na negosyante na kailangan ng tulong sa pagsisimula,” aniya pa.
“Naniniwala ang administrasyong Marcos na wala dapat naiiwanan, kasama ang lahat sa ayuda. Kaya patuloy tayong magsisikap na gumawa ng programa para lahat ng sektor, makikinabang sa tulong mula sa pamahalaan,” pagtatapos ni Romualdez.
