
Ni ROMEO ALLAN BUTUYAN II
HIGIT pa sa ayuda ang target igawad ng pamunuan ng Kamara sa hanay ng mga magsasaka sa bisa ng inisyatiba ng Kongreso.
Sa idinaos na Agriculture Convergence Event sa Tiaong, Quezon, personal na binigyan ng pagkilala ni House Speaker Martin Romualdez ang sakripisyo ng sektor na nagtitiyagang magtanim ng palay, gulay at prutas para tiyakin may maihain sa hapag-kainan ang bawat pamilya.
Kasabay ng naturang pagtitipon, pinangunahan din ni Romualdez – kasama sina Deputy Speaker at Quezon 2nd District Rep. Jay-jay Suarez ang “payout” para sa Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/ Displaced Workers (TUPAD) na programa naman ng Department of Labor and Employment (DOLE)..
“Marami pa po tayong mga kasama sa adhikaing mapalago ang ating sektor ng agrikultura. Nariyan ang National Food Authority (NFA) na tinutulungan namin sa Kamara de Representantes na muling makapagbenta ng bigas na kanilang binili sa inyo direkta sa ating mga kababayan,” ani Romualdez sa kanyang talumpati.
Partikular na tinukoy ni Romualdez ang panukalang amyenda sa Rice Tariffication Law (RTL) na inaprubahan na ng Kamara upang matulungan hindi lamang ang mga magsasaka kundi maprotektahan din ang mga konsyumer laban sa mataas na presyo ng bigas.
Ang inisyatiba at mga hakbang na ginagawa ng Kamara, aniya, ay alinsunod sa target ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na itaas ang antas ng sektor ng agrikultura at mapaganda ang buhay ng mga Pilipino.
Tampok sa naturang pagtitipon ang pamamahagi ng ayuda sa halos 4,000 magsasaka sa ilalim ng TUPAD sa isang simpleng seremonya sa Tiaong Convention Center.
“Isang kagalakan na makasama kayo dito ngayon sa okasyong ito. Ang programang TUPAD na ipinaabot sa inyo ngayon ay isa lamang po sa mga inisyatiba ng administrasyon ng ating mahal na Pangulong Bongbong Marcos Jr.,” dagdag ng lider ng Kamara.
Ang pamimigay aniya ng ayuda ay isang pagkilala sa kahalagahan ng sektor ng agrikultura na siyang naglalagay ng pagkain sa hapag ng pamilyang Pilipino.
“Hindi po nalalayo ang magsasakang Pilipino sa puso ng ating liderato. Kaya nga po’t nabuo ang ganitong mga convergence event,” dugtong pa ng House Speaker.
Ibinisto rin ni Romualdez ang aniya’y nilulutong pabuya ang Pangulo para sa mga lalawigang nakapagtala ng mataas sa produksyon – kabilang ang Quezon na pang-anim sa pangunahing crop producer sa bansa.
“Bukod dito sa programang TUPAD, na pinangangasiwaan ng DOLE, nariyan din po ang Department of Agriculture (DA), National Irrigation Administration (NIA) at Department of Public Works and Highways (DPWH) para masiguro na may sapat na tubig ang ang inyong mga pananim,” dagdag pa niya.
“Kamakailan lang ay nanggaling kami sa Isabela, kasama ang Pangulong Marcos upang pasinayaan ang pagbubukas ng sistema ng patubig na gumagamit ng solar power.”
Nakikipagtulungan na din umano ang kanyang tanggapan sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) upang matulungan ang mga magsasaka ng Quezon sa ilalim ng Farmer’s Assistance for Recovery and Modernization (FARM) program.
“Ilan lamang po ito sa mga hakbang ng pamahalaan na nagsisilbing matibay na patunay na sa ilalim ng Administrasyong Marcos. Ang ating misyon: walang maiiwan sa ating pagbangon tungo sa mas magandang bukas. Kasama po ang lahat sa pag-unlad,” dagdag pa nito.