Ni ROMEO ALLAN BUTUYAN II
HINDI naging balakid ang matinding init ng panahon para sa pagdaraos ng ika-189 anibersaryo ng pagkakatatag ng Calaca City sa lalawigan ng Batangas kung saan panauhing pandangal ang isang ranking House official.
Sa kanyang mensahe, hinikayat ni Deputy Speaker at Las Piñas Rep. Camille Villar ang mga opisyal at mamamayan ng Calaca City, gayundin ang iba pang lokal na pamahalaan na magdaos ng iba’t-ibang klase pagdiriwang gaya ng food festival para palakasin ang negosyo at turismo.
“Kahanga-hanga na sa higit na isang siglo ay malayo na ang narating ng inyong lungsod. Salamin na po kayo ng kaunlaran at progreso sa inyong probinsya. Makikita ito sa inyong magagandang palamuti, sa excitement ng mga kasali sa patimpalak at sayaw ngayon, at sa umuusbong na turismo sa inyong lugar,” pambungad na pahayag ni Villar.
“Malapit na po kayong mag-200 years, at habang papalapit ito ay nawa’y ang mga Calacazen ay patuloy na magtulungan at magkaisa — para sa inyong mithiin na mas maayos at mas maunlad na buhay dito sa inyong lungsod,” dagdag niya.
Ayon kay Villar, ang Calaca City ay kilala sa mayamang kultura at tradisyon bukod pa sa kamangha-manghang tanawin ng Mt. Batulao, at sikat din sa masarap nitong atchara.
“Kayo ay binabalik balikan ng libo-libong turista taon-taon, lalo na sa inyong kapistahan, dahil dito sa inyong lugar matatagpuan ang pinakamasarap na atchara sa buong Pilipinas,” wika ng lady solon na tumatayong CEO ng ALL Value Group at managing director ng Vista Land.
“Your atchara transcends culinary flavors and adds distinctness, zest and life to the dishes it is paired with. It is homemade, warms the heart, and makes you nostalgic about memories you have here in Batangas while eating the dish. And this perfectly mirrors your people and your city of Calaca… napakasimple po ng ingredients pero punong-puno ng lasa, punong-puno ng buhay, at talaga namang pinananabikan at binabalik-balikan ng mga tao,” malugod na pahayag Las Piñas solon.
Kaya naman umaasa si Villar na sasamantalahin ng Calacazens ang kanilang taunang “CalacAtchara Festival” para ipakilala ang katangi-tanging produkto upang makuha ang interes kapwa ng local at international travellers, gayundin ang pagpapalakas ng local industries.
“May this gathering also rekindle the commitment of your people to contribute to national development. Sa pagkakaisa, sipag at tiyaga, mararating natin ang isang mas maunlad, mas maayos at mas masaganang bukas para sa ating lahat,” sabi pa ni Villar.
“Asahan niyo po na hindi po ito ang huling punta namin dito dahil, parang serving ng inyong atchara, ay babalik-balikan po namin ang inyong lungsod,” dugtong pa niya.
Kasabay nito, nanawagan si Villar sa iba pang lokalidad na pag-ibayuhin ang tourism at trade promotions na aniya’y malaking bentahe sa pagpapaunlad ng ekonomiya.
