Ni ROMEO ALLAN BUTUYAN II
PARA KAY Deputy Majority Leader at Tingog partylist Rep. Jude Acidre, isang desperadong hakbang ng China ang paglabas ng audio conversation sa pagitan ng mga opisyal ng Pilipinas at ng naturang bansa sa hangaring ibaling ang pambabarako sa West Philippine Sea.
Sa isang pahayag, mariing kinondena ni Acidre – kesehodang totoo o kabalintunaan ang di umano’y recording ng pag-uusap kung saan anila nabuo ang tinaguriang “new model agreement” hinggil sa Ayungin Shoal.
Giit ni Acidre, labag sa batas ang wiretapping activity.
“Bakit lumalabas ang mga ganitong misinformation or mga wiretapping? Nagpapakita lang na medyo act of desperation na po ito, ano, para to muddle the entire issue,” wika ni Acidre.
Sa gitna ng usapin, iminungkahi ng kongresista ang isang masusing imbestigasyon sa pinagmulan at motibo ng hinihinalang wiretapping incident.
Sinabi naman ni Deputy Majority Leader at Isabela 6th District Rep. Faustino “Inno” Dy V, isang “breach of trust and a violation of Philippine laws” ang umano’y nasabing paniniktik.
“Kung sinuman po ang responsable sa pag-wiretap or sa pag-record po ng conversation na ito kung nangyari man po, they should be expelled or deported from our country or they should answer to our laws dahil bawal po iyong ginawa nila,” hirit ni Dy.
Ipauubaya naman ng Isabela lawmaker sa Department of Foreign Affairs (DFA) ang pag-iimbestiga kung may sangkot na opisyal o tauhan ng China.
Sinegundahan naman ni Assistant Majority Leader at Manila 1st District Rep. Ernesto Dionisio ang sina Acidre at Dy sa pagkondena sa sinasabing wiretapping incident.
“We really should hold those people who did that accountable. Hindi na pwede na porket galing sila sa mas malaking bansa tatapakan nalang nila yung mga batas natin. They should be held accountable,” ani Dionisio.
