SA halip na matinag sa presensya ng pwersa mula sa iba’t ibang bansa sa West Philippine Sea, mas tumindi pa ang pagnanais ng China na kontrolin ang buong karagatan sa paraan ng pagtatayo ng panibagong artificial island sa Escoda (Sabina) Shoal.
Ayon kay Commodore Jay Tarriela na tumatayong Philippine Coast Guard spokesperson for the West Philippine Sea, simulan na ng China magtambak ng “crushed corals” bilang paghahanda sa gagawing artificial island.

Batay sa pinakahuling ulat ng bantay-dagat, nasa 30 Chinese militia vessels – bukod pa sa mga research seacraft, navy ships at isang helicopter ang namataan ng BRP Teresa Magbanua sa Escoda Shoal na bahagi ng West Philippine Sea.
Kamakailan lang, inilabas ng mga marine biologist mula sa University of the Philippines (UP) ang resulta ng isang pag-aaral kung saan lumalabas na mabilis na lumalawak ang mga sandbars sa Sandy Cay.
“Dito kumbaga nagsisimula pa lang. So kung sasabihin natin na itong pagdu-dump ng coral na ginawa nila sa Sandy Cay has allowed them (China) to expand itong land area, surface area na ito as artificial island, then most likely kung hindi natin imo-monitor ito, at hindi natin babantayan ito, baka sa mga susunod na buwan, magulat na lang din na sa Sabina Shoal, ay malalaki na rin ang mga isla na ginawa nila,” pangamba ni Tarriela.
Karaniwan aniyang “corals” ang ginagamit ng China bilang panambak sa mga lugar na ginagawan ng artificial islands.
“That means they have to kill all the corals, as many corals as possible, for them to use that as a foundation for their island-reclamation,” dugtong ni Tarriela.
