October 25, 2025

saksipinas

Palaban, Walang Kinikilingan

2 LANG SAPUL SA 1,296 ANTI-SMUGGLING OPS?

SA dami ng inilunsad na operasyon ng Bureau of Customs (BOC) sa nakalipas na pitong taon, dalawa lang ang nahatulan ng husgado, ayon kay Sen. Sherwin Gatchalian.

Sa pagdinig ng Semate ways and means committee, hayagang kinastigo ni Gatchalian ang BOC sa aniya’y kakatwang conviction rate ng mga sinampahan ng kaso mula taong 2018.

Partikular na tinukoy ng senador ang hatol sa dalawang smugglers na natimbog sa tangkang pagpupuslit ng sigarilyo mula sa ibang bansa.

Meron lang din aniyang 64 isinampa. Sa naturang bilang, walo lang ang nakarating sa korte, 14 kaso naman ang nakabinbin sa Office of the Prosecutor.

“If you look at the universe of 1,200, only less than one percent of those seizures actually make it as a decision and also conviction. So it’s not the number of seizures, but a number of convictions, especially favorable convictions,” ayon kay Gatchalian, chairman ng komite.

“With all due respect to the BOC, kaya hindi natin maalis sa isip natin na minsan itong mga seizures eh pangpakitang tao na lang… In this case…the actual numbers 0.15% actually are convicted,” dagdag niya.

Ikinatuwiran naman ni BOC Assistance Commissioner Vincent Philip Maronilla na baka pinagsama-sama ang ilang naisagawang paglusob sa 64 kaso.

“In multiple raids, our investigation might have yielded that there are only a certain number of people that were responsible, but we will look into that particular data. We will submit the data to the committee,” palusot ni Maronilla.

“Kasi masarap sabihin yung 1,296 seizures eh. Lahat kami masaya. Pero yung actual case na na-file, ang layo — 64 lang versus 1,296. Kahit na i-consolidate natin, I don’t think it can be reduced to 64 cases,” giit naman ni Gatchalian.

Binanggit din ni Gatchalian na marahil, ang kawalang ng koordinasyon sa pagitan ng BOC at Department of Justice ang posibleng dahilan kung bakit dalawa lang ang naparusahan ng husgado.

“Ang nakita namin ngayon ay walang coordination between the DOJ, BOC, and the BIR. Hindi sila nag-uusap-usap. Parang ngayon lang sila nagkaroon ng pagkakataon na mag-usap sila. So lahat ng nireraid ng BOC at BIR, pag dumating na sa prosecution, talo lahat.”

Aniya, mahigit 60% ng kasong isinampa sa tobacco smuggler ang nadismis.

“Ang objective natin may makulong. Para may makulong, dapat nananalo yung kaso. So, malaking problema ito dahil nagiging pakitang tao lang yung raid at yung kaso wala talagang nangyayaring kaso,” ani Gatchalian. (ESTONG REYES)