October 26, 2025

saksipinas

Palaban, Walang Kinikilingan

Abra ideklara bilang tourism-cultural heritage site — Solon

KUMBINSIDO ang isang bagitong kongresista na hindi kayang pantayan ang mga nakabibighaning tanawin, mayamang kultura at mahalagang pamana ng lalawigan ng Abra.

At para tiyakin hindi matulad sa Chocolate Hills ng Bohol, iminungkahi ni Abra Rep. JB Bernos na ideklara ang Abra bilang Tourism and Cultural Heritage Site.

Sa bisa ng House Bill 3120 (Abra Tourism and Cultural Heritage Development bill), target ni Bernos isulong ang tinawag niyang “sustainable, inclusive, at culturally-rooted tourism development” sa nasabing lalawigan.

“Abra is blessed not only with various natural wonders, but also with a rich culture and heritage that can still be witnessed in its communities to this day,” pagmamalaki ng kongresista.

“Naniniwala tayong angkop naman ang pagkakaroon ng special designation ng ating lalawigan, na inaasahan din natin makakatulong upang lalo pa natin maprotektahan ang ating mga yamang likas at kultural,” dugtong niya.

Paliwanag ni Bernos, sa pamamagitan ng HB 3120 ay magiging priority tourism development area ang Abra at magiging bahagi ng regular na programa ng pamahalaan ang pagbalangkas ng isang comprehensive development plan.

“The bill provides the policy and programmatic foundation for Abra to harness tourism as a driver of inclusive progress and rural transformation,” dugtong ng Abra lawmaker.

Umaasa naman ang kongresista na ang isinusulong na panukalang batas ay makasususog sa HB 3110 (Community-Based Tourism bill) na inihain naman ni Solid North Partylist Rep. Ching Bernos sa hangaring makinabang ang komunidad sa kita mula sa turismo sa nasasakupang lugar. (ROMEO ALLAN BUTUYAN II)