SA kabila ng paulit-ulit na paalala sa umiiral na patakarang kalakip ng batas trapiko, isa na namang sasakyan ng government official ang pinara, sinita at tiniketan bunsod ng paggamit ng exclusive bus lane sa kahabaan ng EDSA.
Sa ulat ng Special Action and Intelligence Committee for Transportation (SAICT), aminado ang isang Kenneth de Guzman na nagpakilalang driver ni Quezon City Rep. Ralph Wendell Tulfo, na kinakailangan niyang pasukin ang EDSA busway.
Ang dahilan – nagmamadali ang kanyang amo.
Ayon sa hindi nagpakilalang traffic enforcer, mahigpit ang tagubilin ng Department of Transportation (DOTr) hinggil sa paggamit ng EDSA busway, kaya naman aniya agad niyang pinara ang itim na sasakyan na may plakang NEM 3398 at may logo ng House of Representatives.
Wala pang pahayag ang kampo ni Congressman Tulfo hinggil sa naturang insidente.
Samantala, muling nagpaalala ang DOTr na para lang sa mga bus na bumabyahe sa Metro Manila ang EDSA busway.
Gayunpaman, may mga sasakyang binigyan ng “exemption” kabilang ang mga ambulansyang may sakay na pasyente, trak ng bumbero, marked police vehicles at piling service vehicles.
Pasok din sa “exemption” ang sasakyan ng Pangulo, Bise President, Senate President, House Speaker at Punong Mahistrado ng Korte Suprema.
Sa ilalim ng umiiral na reglamento, pagmumultahin ng P5,000 ang motoristang lumabag sa panuntunan sa unang pagkakataon, P10,000 multA sa second offense bukod pa sa isang buwang suspensyon sa lisensya ng nagmamaneho, at P20,000 sa ikatlong ulit kalakip at isang taong suspensyon sa lisensya ng drayber.
Pag umulit pa, papalo na sa P30,000 multa bukod sa kanselasyon ng lisensya sa pagmamaneho.
