
TATLO ang kumpirmadong binawian ng buhay sa magkahiwalay na insidente ng sunog sa Quezon City at Navotas, ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP).
Sa kalatas ng BFP, patay ang babaeng senior citizen matapos maipit sa loob ng naglalagablab na bahay sa Barangay Old Balara dakong alas 9:15 ng umaga kahapon.
Batay sa paunang ulat ng pamatay-sunog, wala ng buhay nang matagpuan ang katawan ng 69-anyos na biktima. Nagtamo naman ng second degree burn ang isang 40-anyos na si Rolly Guiruela.
Sa Navotas City, patay na rin nang makita ang katawan ng dalawang welder na na-trap umano sa storage room ng kinukumpuning barko sa Barangay San Jose ng nasabing lungsod.
Pag-amin ng mga bumbero, pahirapan ang pag-apula sa apoy dahil sa makipot na lagusan papunta sa nasusunog na bahagi ng barko.
“Pagpasok nila kasi nga medyo confined yung sunog ibig sabihin nasa loob siya at limitado lamang ang lagusan pati ang mga bintana kaya nahirapan ang ating mga bumbero para mapasok ito,” wika ni BFP-Navotas Fire Marshal Supt. Ronaldo Sanchez.
Nasa 20 hanggang 25 trabahador ang gumagawa sa iba’t ibang bahagi ng barko nang mangyari ang insidente. Dakong alas 2:00 ng madaling araw nang tuluyang mapuksa ang apoy.
Patuloy naman ang isinasagawang imbestigasyon ng kawanihan. (LILY REYES)