HINDI lahat ng reklamo kailangan humantong sa husgado. Ito ang buod ng mensahe ng Korte Suprema matapos baliktarin ang pasya ng isang regional trial court na buhayin ang kasong adultery laban kina alyas Aurel at Michael.
Sa desisyong akda ni Associate Justice Antonio Kho, nilinaw ng kataas-taasang hukuman na tanging naaping asawa lamang ang maaring maghain ng reklamong adultery.
Ayon sa Korte Suprema, ang adultery o pangangalunya ay maituturing bilang isang “private crime” na maari lamang isampa ng “offended spouse” o naaping asawa.
Ipinaliwanag din ng korte ang panuntunan na nagbibigay konsiderasyon sa naagrabyadong partido na posibleng mas nanaisin gawin pribado ang usapin nang hindi dumadaan sa “public trial.”
Binibigyan anila ang naaping asawa ng pagkakataon makapamili o madesisyunan kung dadalhin ang usapin sa korte o pribadong pagsasaayos na lamang.
Sa pagsang-ayon opinyon, nanawagan ni Senior Associate Justice Marvic Leonen para sa striktong aplikasyon ng batas sa pag-uusig ng mga pribadong krimen.
Subalit kanyang iginiit na ang relasyon sa pagitan ng mag-asawa, kabilang ang “infidelity” o pagtataksil ay pribadong usapin na hindi na dapat pinanghihimasukan ng gobyerno. (JULIET PACOT)
