NAPIPINTO ang pagbabalik sa kulungan ni dating Senador Bong Revilla matapos ilabas ng Sandiganbayan ang warrant of arrest kaugnay ng P92.8-milyong ghost flood control project sa bayan ng Pandi sa lalawigan ng Bulacan.
Sa isang panayam, kinumpirma ni Atty. Dennis Pulma na tumatayong Clerk of Court ng Sandiganbayan Third Division ang paglabas ng mandamiento de arresto laban sa mambabatas na minsan nang nakulong kaugnay naman ng pork barrel scam.
Bukod sa warrant of arrest, kasabay din inatasan ng Sandiganbayan ang Department of Justice (DOJ) na maglabas ng hold-departure order laban sa dating senador.
“There are findings of probable cause. The warrants of arrest and hold departure orders were already issued [by the court],” wika ni Pulma.
“The electronic warrant was transmitted to the CIDG, NBI, and BI,” dugtong ng abogado.
Bukod kay Revilla, kabilang rin sa inisyuhan ng warrant of arrest sina dating Brice Hernandez, Jaypee Mendoza, Arjay Domasig, Emelita Juat, Juanito Mendoza at Christina Pineda na pawang mga dating konektado sa DPWH Bulacan First Engineering District Office. (FERNAN ANGELES)
