HINDI sumailalim sa buwis-buhay na pagsasanay ang mga pulis para lang maging tagapayong ng mga feeling VIP, ayon kay Philippine National Police (PNO) chief General Rommel Marbil.
Sa lingguhang flag ceremony ng PNP sa Camp Crame, nanindigan si Marbil na napapanahon nang ibalik ang dignidad sa hanay ng kapulisan, kasabay ng anunsyong mahigpit na nagbabawal na sundin ang anumang utos na labas sa mandatong nakasaad sa batas na lumikha ng PNP.
Hindi man hayagan, nagpasaring ang hepe ng pambansang pulisya sa aniya’y kanya mismong nakita – mga PNP officials, mga politiko, negosyante at iba pang personalidad na ginagawang tagabitbit ng gamit – kung hindi man tagapayong.
“Pinagbabawal ko na po yung mga pulis natin every time we have anniversary nakakakita po tayo ng mga pulis natin na naka-uniform, especially yung mga corporal yung mabababa natin, sila ang nagdadala ng mga payong… Hindi po tama yan, hindi po ganyan ang trabaho ng pulis, let us respect our uniform,” sabi ni Marbil.
“Ipakita natin na tayo ay taong may dignidad, hindi po tayo tao na basta basta, pulis po tayo hindi tayo bodyguard, hindi po tayo driver, hindi po tayo alalay, hindi po tayo bayaran. Pulis po tayo,” dagdag niya.
