
TALIWAS sa nakagawiang alboroto sa tuwing nagpapataw ng dagdag-singil ang Meralco, minabuti ng mga netizens dikdikin ang dambuhalang power distribution company sa kakaibang paraan – bill reveal.
Sa social media, kanya-kanyang post ng video at larawan ng Meralco billing statement ang mga netizens na tila sa takang-taka sa pagtaas ng singil ng naturang kumpanya sa kabila pa ng patay-sinding kuryente sa kanila.
Sa ilang video post sa Facebook, dahan-dahang inilabas sa sobre ng mga netizens ang monthly statement ng Meralco kung saan tumambad ang 30 porsyento hanggang dobladong bayarin kumpara sa nakalipas na buwan.
“Pakitaan ng resibo kung magkano, ikaw magkano. bakit sa ‘kin dumoble. tapos tanungan sa’n kami kukuha,” wika ni Eleanor Basilia sa ulat na unang lumabas sa GMA News Channel.
Bukod sa bill reveal, tampok din sa social media si “Judith” na ang ibig sabihin “due date” o takdang araw na dapat magbayad sa Meralco.
“Laos na si Maritess, si Judith na ang bida.”
Samantala, masusing pinag-aaralan ng ilang electric cooperatives na gawing “installment” ang dagdag-singil sa kuryente.
Gayunpaman, walang plano ang Meralco na utay-utayin ang dagdag-singil sa mga sinusuplayan ng kuryente sa Metro Manila at mga karatig probinsya.
Paliwanag ni Meralco spokesperson Joe Zaldarriaga, kailangan din nila magbayad sa mga naniningil na suppliers.
“The electricity has been consumed. In our case, it’s postpaid, you consume first before customers pay,” ani Zaldarriaga.