Ni ROMEO ALLAN BUTUYAN II
SA bisa ng ‘viva voce’ voting, pumasa sa ikalawang pagbasa sa plenaryo ng Kamara ang House Bill 9349 (Absolute Divorce Act).
Pangunahing nilalayon ng naturang panukala iligtas ang mga batang naiipit sa hindi pagkakasundo ng kanilang mga magulang at pagbibigay pahintulot sa divorced spouse ng karapatang muling makapag pakasal.
Sa ilalim ng HB 9349 kabilang sa mga basehan sa paghahain ng petisyon para sa diborsyo ang physical violence o labis na pang-aabuso sa petitioner, common child o anak ng petitioner.
Pasok din sa nakasaad na panuntunan ang pananakit o moral pressure para pumayag ang petitioner na palitan ang kanyang religious o political affiliation.
Kabilang din ang udyok sa petitioner, common child, o ang anak ng petitioner na pumasok sa prostitusyon.
Basehan din sa ilalim ng naturang panukala ang mga kaso kung saan ang kabiyak ay sentensyado ng anim na taon o higit pa (kahit pa na-pardon), problema sa adiksyon sa droga, alak o sugal.
Hindi rin lusot ang homosexuality, bigamy, marital infidelity ang pagkakaroon ng anak sa iba sa panahon na kasal sa asawa.
Swak din sa panuntunan ng panukalang absolute divorce bill ang pag-abandona sa pamilya.
Samantala, nakasaad rin sa panukala na kapag ang mag-asawa ay legally separated ng mahigit sa dalawang taon, pwedeng maghain ng petisyon sa Family Court para sa absolute divorce.
