LUSOT na sa ikatlo at huling pagbasa sa plenaryo ng Kamara ang isang panukalang batas na nagsusulong patawan ng multa ang mga iresponsableng electric distribution, cable at telecommunications companies.
Sa botong 223 na pabor, ganap na inaprubahan ang House Bill 7565 (Safe Overhead Electric Distribution, Cable, and Communications Lines Act) kung saan nakapaloob ang multang P2 milyon sa patuloy na kabiguan ng mga nasabing kumpanya na sumunod sa inspection, clean-up at umiiral na safety standards.
Ayon kay House Majority Leader Sandro Marcos na kabilang sa mga may-akda ng nasabing panukala, sa pamamagitan ng naturang proposed measure ay masosolusyunan nito ang matagal nang pangamba ng mga komunidad sa iba’t-ibang lugar sa bansa hinggil sa nakaambang kapahamakan dulot ng mga hindi ligtas na overhead cable lines.
“This bill makes it clear that utilities cannot simply leave hazardous wires hanging above our streets. They have the responsibility to maintain safe, orderly and compliant systems because public safety must always come first,” wika ni Marcos.
“We are setting uniform standards and meaningful penalties so that compliance becomes the norm, not the exception. This is about protecting lives, safeguarding property and ensuring that our infrastructure keeps pace with development,” dugtong ng Ilocos Norte solon.
Sa ilalim ng HB 7565, ang lahat ng utility firms ay dapat magsagawa ng periodic inspections, alisin ang nakalaylay o walang silbing mga kable nila, magkaroon ng bundle at secure active lines, palitan ang sira o nakatagilid na poste at tiyaking mayroong proper clearances alinsunod sa Philippine Electrical Code.
Sa ilalim ng panukala, sinumang lalabag ay mahaharap sa multang P250,000 hanggang P500,000 para sa first offense, P500,000 hanggang P1,000,000 sa second offense, at P1,000,000 hanggang P2,000,000 sa third at succeeding offenses. (ROMER R. BUTUYAN)
