WALANG masama sa PUV Modernization Program na isinusulong ng Department of Transportation (DOTr), pero hindi angkop tuluyang burahin ang “iconic features” na nagpasikat sa Pilipinas sa larangan ng public transportation.
Para kay House Speaker Martin Romualdez, higit na angkop mapanatili ang tinawag niyang cultural value at simbolo ng Filipino ingenuity.
Ginawa ng lider ng Kamara ang pahayag matapos ang pakikipag pulong sa mga opisyal ng Francisco Motors, sa pangunguna ni FMC chairman Elmer Francisco at Dominic Francisco na tumatayong President & CEO ng naturang kumpanya, gayundin ang mga lider ng transport group sa isinagawang modern jeepney showcase sa Main Wing ng Batasang Pambansa Complex sa Quezon City.
Sa naturang okasyon, ibinida ang pagbuhay sa iconic Filipino jeep na may bagong disenyo para makatalima sa moderno, episyente at ligtas sa kalikasan na pampublikong transportasyon.
Matapos sakyan at inspeksyunin ang isa sa tinaguriang Filipino modern jeep ng Francisco Motors, tiniyak ng lider-kongresista ang kahandaan ng Kamara isulong ang mga polisiya para sa umusad ang modernisasyon nang hindi maiiwan ang mga Pilipinong manggagawa at lokal na industriya.
“Modernization isn’t just about new vehicles — it’s about improving the daily lives of drivers and passengers. These jeepneys are safer, more efficient, and better for the environment,” ani Romualdez matapos inspeksyunin at paandarin ang isa sa mga modernong unit.
“The jeepney has long been a symbol of Filipino ingenuity. As we modernize, we must preserve its cultural value while making it more responsive to today’s needs,” punto niya
Muli ring inihayag ni Romualdez ang suporta sa programang modernisasyon ng pampublikong transportasyon sa bansa, gayundin sa mga local manufacturer at gawang Pinoy na modern at electric jeepney.
“Yayayain natin ang mga kongresista na suportahan natin ang locally-made (modern jeepneys) at electric-powered utility vehicles,” sabi ng pinuno ng 306 miyembro ng Kamara de Representantes.
Binigyang-diin ng lider ng Kamara ang kritikal na papel ng mga lokal na tagagawa ng sasakyan hindi lamang sa modernisasyon ng sistema ng transportasyon ng bansa kundi pati na rin sa pagtulak ng inklusibong paglago ng ekonomiya
Dagdag pa niya, ang pagsuporta sa mga kompanya tulad ng Francisco Motors ay tumutulong sa paglikha ng trabaho, pagsuporta sa komunidad, at unti-unting pagtalikod sa importation ng sasakyan tulad ng mga binili ng transport cooperatives bilang pagtalima sa atas ng DOTr kaugnay ng jeepney modernization.
“Supporting local businesses is key to building a strong economy. When we invest in Filipino-made products, we invest in our people,” giit niya.
Nangako ang House Speaker na makikipagtulungan sa Kongreso para sa dagdag na alokasyon ng pondo sa transportation modernization program, kasama ang suporta para sa mga tsuper at operator na naapektuhan ng pagbabago.
“As Speaker, I am committed to securing more funding to help modernize our transport system while protecting livelihoods and the environment,” diin niya. (ROMEO ALLAN BUTUYAN II)
