PAGKATAPOS ng halos isang buwan ng pananatili sa The Hague, Netherlands, para sa pagbuo ng koponan ng mga abogadong magtatanggol sa amang dating pangulo kaugnay ng kasong crimes against humanity na inihain sa International Criminal Court (ICC) ganap nang nakabalik sa bansa si Vice President Sara Duterte.
Sa kalatas ng Office of the Vice President (OVP), dakong alas 9:56 kagabi nang lumapag sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang eroplano ng Emirates Airlines flight EK 334.
“The Vice President is expected to address any pertinent matters in the coming days,” saad sa pahayag ng OVP.
Marso 12 nang dali-daling lumipad ang bise presidente patungo sa Netherlands matapos dakpin ng pambansang pulisya ang dating pangulo noong Marso 11. Pagkatapos arestuhin, ipiniit ang matandang Duterte sa Villamor Airbase kung saan lumapag ang learjet na naghatid sa former president sa The Hague.
Samantala, nagpahayag ng kahandaan ang bise presidente dumalo sa senate hearing ng komiteng nag-iimbestiga sa legalidad ng pag-aresto sa dating pangulo.
“Kung meron namang future hearings na meron silang tanong sa akin, tulad ng kung anong nangyari sa Hong Kong or anong nangyari pagdating ni [dating] pangulong Duterte sa Manila, willing naman po ako sumagot.”
