Ni EDWIN MORENO
APAT na katao ang patay matapos araruhin ng isang police patrol car na tinangay ng isang lalaking di umano’y may kapansanan sa pag-iisip, sa bayan ng Morong sa lalawigan ng Rizal.
Sa ulat ni Morong Police Station chief Major Rosalino Panlaqui, dakong alas 10:45 nang tangayin ng 52-anyos na suspek na si Jomar Caragdag y Pineda ang mobile patrol car na sadyang ipinarada ni Sgt. Jerome Feliciano malapit sa himpilan ng lokal na pulisya para a “regular vehicle check-up” bago gamitin sa nakagawiang pagpapatrolya sa nasasakupang bayan.
Batay sa imbestigasyon ni SSgt. Rexie Rocapor, lumapit di umano ang suspek sa sasakyan at mabilis na hinarurot sa kahabaan ng Tomas Claudio Road. Agad naman hinabol ng iba pang miyembro ng Morong Police ang suspek.
Habang tinutugis, nabundol ng suspek ang mga biktima at saka bumangga sa poste ng Meralco.
Mabilis na isinugod ang mga inararong biktima sa pagamutan kung saan binawian ng buhay ang apat sa pito katao. Kinilala ang mga nasawi na sina John Alex Magno, Jonathan Natividad, Edgardo Romero at isang hindi pa nakilalang lalaki.
Lumalabas sa imbestigasyon na nakatakda na sanang dalhin sa isang mental facility si Caragdag nang takasan ang mga kawani ng Municipal Disaster Risk Reduction Management Office na nagsasaayos ng mga dokumento para dalhin ang pasyente sa Mandaluyong.
Nakatakda naman imbestigahan ang mga pulis na nakaduty nang mangyari ang insidente.
