HINDI na nagawa pang makapuslit sa mga kagawad ng pambansang pulisya ang isa sa mga prominenteng akusadong kasama ni Kingdom of Jesus Christ founder Pastor Apollo Quiboloy sa isang operasyon sa Barangay Kabantian sa Davao City
Ayon kay Police Regional Office 11 Director Police Brig General Nicolas Torre, nadakip si Paulene Canada sa loob ng isang subdivision hindi kalayuan sa punong himpilan ng lokal na puliya noong Huwebes ng hapon matapos siyang hainan ng warrant kaugnay ng trafficking.
Batay sa datos ng PRO-11, pasok sa Top 10 ng Most Wanted sa Davao region si Canada na kabilang sa mga kapanalig sa pananampalataya ng sektang itinatag ni Quiboloy.
Bago pa man nadakma ng mga operatiba si Canada, una nang naglabas ng tumataginting na P10 milyong pabuya ang Department of the Interior and Local Government (DILG) para sa impormasyon sa kinaroroonan ng puganteng pastor.
Kabilang si Canada sa mga kasong qualified human trafficking at child and sexual abuse na isinampa laban kay Quiboloy. Tulad ng KOJC founder, may pabuya rin inilaan ang DILG sa ulo ni Canada.
Para kay DILG Secretary Benjamin Abalos Jr., malaking bentahe sa pagka aresto ni Canada ang impormanteng matiyagang nangapa para matunton si ang suspek.
