DALAWANG buwan bago ang takdang araw ng halalan, nanawagan si MPBL Partylist 77 President Ronwald Fuentes Munsayac sa mga taga suporta at lider mula sa iba’t ibang panig ng bansa na tiyakin ang pagtalima sa mga itinakdang alituntunin ng Commission on Elections (Comelec) sa pangangampanya.
“Nagpapasalamat kami sa lahat ng ating mga volunteers at campaigners na walang sawang sumusuporta sa ating adhikain. Sa ngayon, wala pa tayong natatanggap na anumang abiso mula sa Comelec, na nangangahulugang maayos tayong nangangampanya. Gayunpaman, nais nating maging proactive sa pagpapaalala ng tamang paraan ng pangangampanya upang mapanatili nating malinis at maayos ang ating laban,” ani Munsayac sa paglilibot kasama si dating Senador Manny Pacquiao.
Pagpapaskil ng Campaign Materials
Paalala pa ni Munsayac, sumunod sa panuntunan sa pagpapaskil ng campaign materials. Kabilang sa mga aniya’y pwedeng lagyan ng mga campaign posters ang mga sumusunod:
- Common poster areas na itinakda ng LGU.
- Pribadong lugar basta may pahintulot ng may-ari
Meron din aniyang dapat iwasan kabitan ng mga campaign posters tulad ng:
- Pampublikong sasakyan
- Kalsada
- Gusali ng gobyerno
- Poste ng kuryente
- Puno
- Traffic signs
- Tulay
Bawal din aniyang magpaskil sa mga pampublikong imprastraktura kung walang pahintulot mula sa lokal na pamahalaan.
Malinis at Maayos na Kampanya
Binigyang-diin din ni Munsayac ang kahalagahan ng isang maayos at responsableng kampanya.
“Habang pinaglalaban natin ang tagumpay ni Sen. Manny Pacquiao at MPBL Partylist 77, tiyakin nating sumusunod tayo sa batas. Iwasan natin ang paninira, huwag magkalat ng maling impormasyon, at igalang natin ang ibang kandidato at kanilang mga taga suporta. Ang isang malinis na kampanya ay sumasalamin sa ating integridad at tunay na hangaring maglingkod sa bayan,” dagdag niya.
Pag-iingat sa Init ng Panahon
Bilang bahagi ng paalala, nagbigay din ng babala si Munsayac kaugnay sa matinding init ng panahon ngayong tag-araw.
“Huwag nating kalimutan pangalagaan ang ating kalusugan. Uminom ng sapat na tubig, gumamit ng sombrero o payong, at magpahinga kung kinakailangan. Mas magiging epektibo tayo sa kampanya kung nasa maayos tayong kondisyon,” paalala niya.
Tuloy-tuloy ang Laban
“Tuloy-tuloy ang ating laban para sa MPBL Partylist 77. Sama-sama nating itaguyod ang grassroots sports development at isulong ang mas magandang kinabukasan para sa ating bayan,” ani Munsayac.
“MPBL Partylist 77 – Isang Laban, Isang Adhikain!” (CESAR MORALES)
