PARA kay former Sen. Antonio Trillanes IV, si Senador Risa Hontiveros lang ang posibleng makatalo kay Vice President Sara Duterte pagsapit ng 2028 presidential elections.
Ayon kay Trillanes, mas mainam na pambato si Hontiveros kumpara kina Senador Bam Aquino at former Vice President Leni Robredo na isa na ngayong alkalde ng Naga City.
Ang dahilan — matibay na paninindigan at posturang oposisyon laban sa former President Rodrigo Duterte noong nagdaang administrasyon, hanggang sa kasalukuyang panahon kontra sa anak ng dating pangulo.
“Bakit niru-rule out ko na si Sen. Bam Aquino at saka si Mayor Leni… don’t get me wrong, mabubuti silang tao… under peaceful conditions maaaring they can rule the country well pero hindi ngayon ‘yung mundo na tinitirhan natin. May mga evil forces at play eh, so kailangan mo ng kayang tumindig at si Senator Risa has demonstrated that time in again,” wika ni Trillanes sa “Facts First” podcast.
“Kaya hindi pwedeng si Senator Bam Aquino for example, kasi… bakit? Eh ngayon nga ka-caucus niya, kabloke niya yung mga Duterte bloc. Sa akin hindi ko kaya yun under any conditions.
“Punta tayo kay Mayor Leni… kaibigan niya si Sara Duterte. Remember pinapasok nga niya sa bahay niya, hinost niya doon. So paano mo ngayon mapapanagot si Sara kung magpe-Presidente si Leni? Hindi niya gagawin ‘yan,” aniya pa.
Kapwa rin tutol sina Robredo at Aquino na isuko sa International Criminal Court (ICC) ang matandang Duterte.
“Both Bam and Leni ayaw nila nu’ng ICC. Sinabi nila sa akin ‘yun. Kung mananalo raw si Leni ng 2022, eh hindi raw nila ibibigay si Digong sa ICC. Nagulantang ako.”
