PATULOY na inoobserbahan sa pagamutan ang apat na indibidwal bunsod ng nangyaring pagsabog sa panulukan ng Kalye Tayuman at Dagupan St., sa Tondo, Maynila.
Batay sa inisyal na imbestigasyon ng Explosive Ordnance Division ng Manila Police District (MPD), isang sirang compressor ng aircon ang sumabog matapos buksan ng mga nangangalakal na kabataan dakong alas 2:30 ng hapon.
Agad na rumesponde sa lugar ang mga tauhan ng Bureau of Fire Protection (BFP), MPD at rescue units para sa paunang lunas bago isugod ang mga biktima sa Jose Reyes Medical Center.
Kabilang sa mga biktima ang 18-anyos na binatang naputulan ng kamay sa tindi ng naganap na pagsabog. (ITOH SON)
