Ni ROMEO ALLAN BUTUYAN II
SOBRANG laki ng buwanang kaltas sa mga manggagawa pero limitado ang serbisyo sa mga miyembro.
Ito ang buod ng patutsada ng isang kongresista, kasabay ng panawagan sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na bawasan ang kinakaltas na monthly contribution sa sweldo ng mga pangkaraniwang empleyado.
Sa pagdinig ng House Committee on Health na tumatalakay sa panukalang amyenda ng Universal Health Care Act, kinastigo ni Marikina 2nd District Rep. Stella Quimbo na tumatayong senior vice-chairperson ng House Committee on Appropriations, ang sobra-sobrang singil ng PhilHealth para sa benepisyong malinggit.
“I think it’s time to re-calibrate the premium rates. The premium rates are simply too high!,” wika ng ekonomistang lady House official.
Mungkahi ni Quimbo, gawin na lang 4% ang workers’ contribution.
“So, PhilHealth is earning too much because the premium rates are high, but those who pay the premium, the workers, are at the losing end,” dugtong niya.
Katunayan pa aniya, may P173.4 billion gross margin ang state health insurer sa national budget – hindi pa kasama ang investment revenues na naitala noong nakalipas na taon.
Kada taon aniya, binibigyan ng Kongreso ng malaking pondo ang PhilHealth – kabilang ang P80 billion para sa premium subsidies at P20 billion para sa benefit expansion, bukod pa sa premiums na binabayad ng mga manggagawa.
Himutok pa ni Quimbo, napipilitan ang mga may sakit na manggagawa lumapit sa iba’t ibang tanggapan ng pamahalaan tulad ng Malasakit Center dahil mas malaki pa ang ambag ng Medical Assistance to Indigent Patients (MAIP) program.
“The help we get from MAIP is bigger, ironically, compared to PhilHealth,” pagbubunyag pa ng lasy solon.
Hirit ni Quimbo sa PhilHealth, magsumite ng report para mabatid kung ano ang tamang kontribusyon ng mga manggagawa sa pamamagitan ng paglalahad sa utilization rate ng ahensya at actual cost sa pagpapagamot o gastos sa kinakailangang benefit package.
Ilang buwan na ang nakalipas nang maglabas ng anunsyo ang PhilHealth sa planong pagtaas ng monthly members’ premium contribution na agad namang sinopla ng Palasyo.
