Ni ESTONG REYES
MATAPOS ulanin ng kabi-kabilang batikos kaugnay ng “congressional investigation in aid of legislation” sa kontrobersyal na PDEA Leaks, rumesbak si Senador Ronald “Bato” dela Rosa na tumatayong chairman ng Committee on Public Order and Dangerous Drugs.
Partikular na inupakan ni dela Rosa ang di umano’y pag-epal nina dating senador Antonio Trillanes at Panfilo Lacson, kasabay ng apela sa mga kapwa mambabatas na irespeto ang kanyang pagiging committee chairman at kalayaan magpasya kung kailan tatapusin ang imbestigasyon.
“Please, ako nakikiusap sa aking mga kasamahan na bigyan niyo rin ako ng kaukulang discretion as to when to stop my investigation and as to who are going to be invited,” wika ng senador na dating hepe ng pambansang pulisya.
Higit na kilala si dela Rosa bilang isa sa mga naglunsad ng madugong giyera kontra droga sa ilalim ng administrasyon ni former President Rodrigo Duterte.
Bilang lider ng naturang komite, pinangunahan ni dela Rosa ang imbestigasyon sa dokumentong di umano’y galing sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) kung saan nakatala ang pangalan ni Pangulong Bongbong Marcos at aktres na si Maricel Soriano sa kalakaran ng droga.
Pakiramdam ni dela Rosa, siya’y kinukuyog lalo pa aniya’t sa mahigit limang taon niya sa Senado, wala pang kumwestyon sa mga isinagawang congressional probe.
“Ngayon lang ako nakarinig ng ganyan… bakit ngayon ito, ang dami nang pumapapel?,” tugon ni dela Rosa sa patutsada nina Trillanes at Lacson.
“Sana respetuhin rin nila yung pagiging chairman ko ng aking committee dahil nirerespeto ko rin naman ang kanilang pagiging committee chairman.”
