Ni ROMEO ALLAN BUTUYAN II
SA patuloy na pag-ikot sa iba’t-ibang lugar sa bansa bilang bahagi ng implementasyon ng Cash and Rice Distribution (CARD) Program, mga residente naman ng Cagayan de Oro City ang nakatanggap ng bigas at tulong pinansyal ngayong araw.
Mismong si Speaker Martin Romualdez ang nangasiwa sa rice at cash aid distribution para sa nasa 3,000 Cagayanons sa isang simpleng seremonya na ginanap sa West Central Elementary School Gym.
“Isa po ito sa programa ng ating mahal na Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. para labanan ang gutom at magbigay ng tulong sa pang-araw-araw na gastusin ng ating mga kababayan, lalo na yung bahagi ng ating mga vulnerable sectors,” pahayag ni Romualdez sa harap ng libo-libong benepisyaryo ng naturang programa.
“Isinasabay natin ito sa Serbisyo Fair para lahat ng malalaking siyudad tulad ng CDO at mga lalawigan ay kasama sa tulong pinansyal at rice aid. Nawa’y makatulong ito sa pagharap ng ating mamamayan sa hamon ng mataas na presyo ng bigas at pagkain,” dugtong ni Romualdez na tinawag na Mr. Rice ng mga benepisyaryo.
Layon ng CARD Program suportahan ang mga mamamayan mula sa tinatawag na vulnerable sectors para makaagapay sa epekto ng mataas na halaga ng bilihin sa pamamagitan ng pagbibigay ng cash assistance at access sa murang bigas.
Bukod dito, tiwala si Speaker Romualdez na makakatulong din ang nasabing programa para labanan ang hoarding at price manipulation ng bigas.
Kabilang sa 3,000 benepisyaryo ang mula sa hanay ng mga indigent, senior citizen, PWD, single parents at indigenous people kung saan sila ay tumanggap ng tig-P2,000 sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS) program ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Tumanggap din ang mga Cagayanon na ito ng P1,000 na halaga ng bigas, o katumbas ng nasa 25-kg ng premium rice.
“Hindi po dito nagtatapos ang ating pagsisikap na tulungan ang ating mamamayan na ibaba ang presyo ng bigas sa buong bansa. Ina-amyendahan natin ang Rice Tariffication Law para ibalik ang murang bigas galing sa NFA.”
“At may programa tayong bago kung saan magbebenta ang mga Kadiwa Stores ng bigas ng mas mababa sa P30 per kilo itong darating na Hulyo. Kaya tuloy-tuloy ang ating programa para sa ikabubuti ng kalagayan ng milyon-milyong pamilyang Pilipino,” pahabol ni Mr. Rice.
