Ni ROMEO ALLAN BUTUYAN II
PARA sa isang lady solon, hindi angkop na palampasin ang kataksilan ng mga tinawag niyang bida sa likod ng tinaguriang “gentleman’s agreement” sa pagitan ng China at ilang opisyal ng pamahalaan sa ilalim ng nakaraang administrasyon.
Hirit ni House Assistant Majority Leader at Taguig City 2nd District Rep. Amparo Maria Zamora – ikulong lahat ng mapapatunayan sangkot sa nasabing kasunduan.
“Pagka talaga natukoy na natin kung sino talaga yung behind, yung mga taong behind this so-called gentleman’s agreement, we should hold all of them accountable. We should put them to jail!” mapangahas na wika ni Zamora.
“For me, napakahalagang ipakulong natin sila!” dugtong ng Taguig congresswoman na tumatayong vice-chairperson ng House Committee on Welfare of Children.
Sa joint hearing ng House Committee on National Defense and Security at Special Committee on West Philippine Sea, agad na pinuna ni House Assistant Majority Leader at Zambales 1st District Rep. Jay Khonghun ang kawalan ng interes ng mga inanyayahan para makibahagi sa pagtalakay ng House Resolution 1684 na nagsusulong imbestigahan si former President Rodrigo Duterte kaugnay ng kasunduan kay Chinese President Xi Jinping.
Sa panig ng Gabinete ng dating Pangulo, tanging si former Executive Secretary Salvador Medialdea lang ang sumipot.
Giit ni Khonghun, mahalagang malaman ang katotohanan hinggil sa sinasabing kasunduan lalo pa’t isang usaping legal ang “gentleman’s agreement” na gamit ng China para pagharian, at itaboy ang mga Pilipinong mangingisda at supply vessels ng bansa sa mga sundalong nasa BRP Sierra Madre sa Ayungin.
“Syempre kailangan din natin malaman kung ano ba talaga iyong napag-usapan, meron ba o wala? Napaka importante sa atin, sa ating pamahalaan na meron tayong transparency, meron tayong check and balance at ang mga pinapasok na kasunduan dapat ng ating pamahalaan lalong-lalo na ng ating Executive department ay dapat base sa ating national interest,” ayon pa kay Khonghun.
“Gusto natin mapanatili ang kredibilidad at syempre kailangan din natin i-maintain ang pagtitiwala ng ating mga kababayan sa ating ehekutibo, na ang kanilang mga pinapasok na kasunduan ay talagang nasa pambansang interes at interes ng ating mamamayan. Kumbaga syempre iniiwasan lang natin na meron mga hidden agenda na kung saan nasasakripisyo ang ating teritoryo at pambansang soberanya,” dagdag ng kongresista.
Sa pag-iwas ng mga naging opisyal ng dating administrasyon, lalong tumitindi ang hinala sa “gentleman’s agreement.”
“Kung kinakailangan siguro na dumating sa panahon na magsu-subpoena para mapwersa silang dumating, gagawin po ng komite ‘yon. At least para yung respeto at paggalang sa kapangyarihan ng Kongreso na magkaroon ng oversight function at hearing lalong-lalo na sa mga ganitong usapin.”
