Ni ESTONG REYES
MATAPOS ang madramang eksenang nagbigay-daan sa pagluluklok ng bagong liderato sa Senado, tuluyan nang dumistansya si dating Senate President Juan Miguel Zubiri sa Palasyo.
Hindi rin sinipot ni Zubiri ang imbitasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa isang salo-salo sa Palasyo.
Bukod kay Zubiri, tinabla rin nina Senador JV Ejercito, Nancy Binay, Sonny Angara at Joel Villanueva ang paanyaya.
Kabilang naman sa mga dumalo sa salo-salo kasama ang Pangulo at Unang Ginang Liza Araneta-Marcos ang bagong Senate President Francis Escudero, Senador Robin Padilla, Alan Peter Cayetano, Francis Tolentino, Raffy Tulfo, Sherwin Gatchalian, Mark Villar, Jinggoy Estrada, Grace Poe, Cynthia Villar, Loren Legarda, at Pia Cayetano.
Sa hanay ng mga dumalo, dalawa ang kaalyado ni Zubiri – sina Gatchalian at Legarda.
Kapansin-pansin naman na wala sa larawang inilabas ng Palasyo si Senador Bong Revilla na di umano’y nagpapagaling sa kanyang karamdaman. Gayunpaman, humalili bilang kinatawan ni Revilla ang kanyang asawang si Rep. Lani Mercado.
Una nang nanindigan si Zubiri na pinatanggal siya bilang Senate President dahil sa hindi pagtalima sa utos ng “powers that be.”
