SA loob ng 90 araw, hindi muna pwede pumasok sa husgado ang isang Pasay City regional trial court judge matapos patawan ng preventive suspension kaugnay ng alegasyon pagtanggap ng suhol kapalit ng lambing na hatol.
Bukod kay Judge Alberto Cansino, sinuspinde rin ng Korte Suprema ang acting clerk of court na si Marie Joy Lagman bunsod ng di umano’y pagtanggap ng P6 milyon para sa paborableng desisyon ng kasong nasa Pasay RTC Branch 108.
Sumipa na rin ang imbestigasyon ng SC en banc sa eskandalo.
“To enable the Judicial Integrity Board (JIB) to conduct an unhampered formal investigation, the Court ordered Judge Cansino and OIC-Acting BCC Lagman be preventively suspended for 90 calendar days,” saad sa isang kalatas ng Korte Suprema.
Una nang inaresto ng mga operatiba ng National Bureau of Investigation si Lagman sa isang entrapment operation bunsod ng reklamong pangongotong di umano ng husgado.
Wala pang pahayag ang huwes.
