
SA kabila ng banta sa seguridad at perwisyong dulot ng Philippine Offshore Gaming Operations (POGO) sa lipunan, nanindigan ang pamunuan ng Kamara na hindi solusyon ang palayasin ang mga lehitimong POGO sa bansa.
Sa isang panayam kasabay ng pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan, inilahad ni House Speaker Martin Romualdez ang kanyang posisyon sa inihaing House Bill 10525 (Anti POGO Act of 2025) ng militanteng partylist Rep. France Castro.
Para kay Romualdez, pwede pa naman manatili ang POGO sa bansa sa kondisyong tatalima ang mga offshore gaming operators sa umiiral na batas at panuntunan ng pamahalaan.
“Basta dapat lahat ng mga stakeholders diyan sumunod sa batas at sa mga lumabag sa batas, lagot po kayo sa ating mga law enforcers. Kaya yung kung mga bawal na ginagawa ninyo talagang huhulihin po kayo kaya dapat po sumunod na lang kayo sa batas para hindi kayo magkaka problema,” wika ni Romualdez.
Hindi rin umano pwedeng padalos-dalos ang gobyerno lalo pa’t may angkop na proseso para sa mga sensitibong usapin tulad ng POGO.
“Alam mo naman may proseso, idadaan din yan sa proseso sa mga hearings pakinggan natin lahat ng mga stakeholders kung ano ang mga posisyon nila dito at don natin ititimbang kung ano dapat ang pinakamagandang gawin natin,” paliwanag ng lider ng Kamara.
Nagsimulang mamayagpag ang mga POGO sa bansa sa ilalim ng administrasyon ni former President Rodrigo Duterte na higit na kilalang malapit sa bansang China.
Katunayan, pinakamataas ang bilang ng mga Chinese nationals na nakapasok sa bansa sa panunungkulan ni Duterte sa Palasyo.
Bago pa man sumambulat ang mga bulilyaso sa likod ng mga POGO, hindi na halos mabilang ng Philippine National Police (PNP) ang dami ng krimen kung saan kaladkad – kung hindi man sangkot ang mga Chinese nationals na nangangasiwa ng mga POGO.
PAra sa kasalukuyang taon, dalawa sa daan-daang illegal POGO operations sa bansa ang nabisto ng pamahalaan matapos salakayin ang POGO hubs sa bayan ng Bamban sa lalawigan ng Tarlac at yaong nasa bayan ng Porac sa lalawigan ng Pampanga.