ISANG linggo matapos salakayin ang scam farm sa Porac, Pampanga, tinapos ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang agam-agam sa 18 narekober na uniporme sa pinasok na POGO hub.
Sa isang kalatas, kinumpirma ng AFP na “walang bahid alinlangang tunay” na uniporme ng mga sundalong miyembro ng People’s Liberation Army ng China ang tunay 18 Chinese military uniforms na nadiskubre sa pinakamalaking scam farm sa Pampanga.
Gayunpaman, nilinaw ni AFP spokesperson Col. Francel Margareth Padilla na bagamat authentic, posible pa rin aniyang “collector’s item” lamang ang mga naturang uniporme.
Nang hinga ng iba pang detalye, tumanggi na ang tagapagsalita ng sandatahang lakas na magbigay pa ng dagdag-impormasyon hangga’t patuloy pa ang isinasagawang imbestigasyon.
Bago pa man ang kumpirmasyon ng AFP, naglabas ng pahayag ang Presidential Anti Organized Crime Commission (PAOCC) na nagsabing “legit” ang mga narekober na Chinese military uniforms sa binakanteng POGO hub sa Porac, Pampanga.
Ayon kay PAOCC spokesperson Winston Casio, nakipag-ugnayan ang ahensya sa isang military expert mula sa intelligence community na una nang nagsabing authentic ang mga narekober na uniporme ng sundalong miyembro ng People’s Liberation Army na ipinadala sa Pilipinas para maging espiya.
