Ni ROMEO ALLAN BUTUYAN II
PINAGKALOOBAN nina Speaker Martin Romualdez at kabiyak na si Tingog partylist Rep. Yedda Marie Romualdez ng P150,000 tulong pinansyal ang bawat isa sa 21 Filipino seafarers na nakaligtas mula sa missile attack ng Houthi rebels.
Kasabay nito, nagpahayag ng kanyang lubos na pasasalamat si Romualdez sa ligtas na pag-uwi sa bansa ng mga tripulanteng Pinoy kung saan kinilala rin niya ang mabilis na pag-aksyon ng pamahalaan sa naganap na pag-atake.
“We are deeply relieved that our brave seafarers are coming home safe. This assistance is a token of our gratitude for their courage and resilience during this harrowing ordeal,” pahayag ng lider ng Kamara.
Araw ng Miyerkules, Hunyo 12 nang tamaan ng missile ang Greek-owned at Liberia-flagged freighter MV Tutor habang nasa bahagi Red Sea, na naging dahilan para nagtamo ng matinding pinsala – dahilan para di na makapaglayag sa naturang karagatan.
Sa tulong ng international forces, nagawang ma-rescue ang 21 Pinoy seafarers na sinalubong pa ni Tingog partylist Rep. Jude Acidre sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3.
“As instructed by President Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr., Speaker Romualdez and his wife, Rep. Yedda Romualdez is working hard to provide relief and support to our seafarers,” pahayag naman ni Acidre, na kasama ang mga opisyal ng Department of Migrant Workers (DMW) kasabay ng pagpapaabot ng cash assistance.
Ayon kay Acidre ang bawat isa sa 21 tripulanteng Pinoy at tumanggap ng P150,000 para sa kabuuang P3.15 milyong tulong ng mag-asawang Romualdez sa mga tinaguriang bayani ng makabagong panahon.
Sa panig ni Rep. Yedda Romualdez, binigyan-diin ang pangangailangan mabigyan ng suporta at proteksyon sa mga manggagawang Filipino na siyang pundasyon ng bansa sa pandaigdigang lakas paggawa.
“Our seafarers are our modern-day heroes, and it is our duty to ensure their welfare,” wika sa kongresistang asawa ni Speaker Romualdez.
“This cash assistance from our personal funds aims to help them and their families as they transition back home. We stand by them and are committed to providing the necessary support.”
Tiniyak naman ni House Deputy Secretary General Sofonias “Ponyong” P. Gabonada, Jr., na pinagsisikapan din ng Office of the Speaker na magbigay ng karagdagang tulong mula sa gobyerno para sa mga pamilya ng mga nakaligtas na marino.
Kabilang dito, ani Gabonada, ay ang Livelihood Assistance sa pamamagitan ng Sustainable Livelihood Program (SLP) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at ang DOLE Integrated Livelihood and Emergency Employment Program (DILEEP).
Gayundin ang pagbibigay ng P10,000 cash aid para sa mga kwalipikadong pamilya ng mga nailigtas na seafarers sa ilalim ng AKAP program ng DSWD, at 20-araw na emergency employment sa ilalim naman ng TUPAD program ng DOLE.
Dagda ni Gabonada, tatanggap din ang mga kuwalipikadong miyembro ng pamilya ng mga manlalayag ng educational assistance sa ilalim ng Tulong Dunong Scholarship program ng Commission on Higher Education.
Ang mga karagdagang tulong ay irerekomenda sa mga kaukulang tanggapan ng pamahalaan para sa agarang aksyon.
