Ni LILY REYES
AYAW pa rin manahimik ng Bulkang Taal, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), matapos makapagtala ng mga pagyanig ng lupa na sinundan ng isang pagsabog.
Sa datos ng Phivolcs, ang pagsabog sa tinaguriang “smallest active volcano in the world” at isang phreatic eruption na tumagal lamang ng isang minuto. Nasa 25 minuto naman ang itinagal na volcanic tremor.
Pagtitiyak ng Phivolcs, patuloy na nakaantabay ang ahensya sa Bulkang Taal na nananatiling nasa Alert Level 1.
Paliwanag ng mga Phivolcs experts, ang pagbuga ng usok ng Bulkang Taal ay bunsod ng pag-init ng tubig sa ilalim ng lupa na nadikit o maaaring lumapit sa magma.
Samantala, patuloy pa rin sa pagbuga ng bulkan ng sulfur dioxide flux na lumikha ng volcanic fog – o mas kilala sa tawag na vog na binubuo ng sulfur dioxide gas at ibang volcanic gases, na humahalo sa atmospheric oxygen, moisture, alikabok, at sikat ng araw.
Palala ng Phivolcs sa publiko, mahigpit na pa rin ipinagbabawal ang paglapit sa isla, gayundin ang paglipad ng anumang sasakyang panghimpapawid sa ibaba ng bulkan.
