SA pagnanais pahupain ang tensyon sa West Philippine Sea, kapwa umayon ang Pilipinas at China sa isang “provisional arrangement” kaugnay ng mga rotation and resupply (RORE) mission sa Ayungin Shoal – partikular sa BRP Sierra Madre na nagsisilbing naval post ng bansa.
“The Philippines and the People’s Republic of China have reached an understanding on the provisional arrangement for the resupply of daily necessities and rotation missions to the BRP Sierra Madre in Ayungin Shoal,” saad sa isang pahayag ng Department of Foreign Affairs (DFA).
Gayunpaman, tumanggi ang DFA na isipubliko ang mga probisyon sa ilalim ng anila’y kauna-unahang kasunduan hinggil sa pinagtatalunan maritime region.
“Both sides continue to recognize the need to de-escalate the situation in the South China Sea and manage differences through dialogue and consultation and agree that the agreement will not prejudice each other’s positions in the South China Sea,” dugtong ng kagawaran.
Sa kabila ng kawalan ng mga detalyeng saad sa kasunduan, sinabi naman ng DFA na Hulyo 2 pa nang sumipa ang konsultasyon sa pagitan ng Pilipinas at China sa pagdalo sa 9th Bilateral Consultation Mechanism on South China Sea.
Garantiya ng DFA, aprubado ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. lamang ang kasunduan kung saan inaasahan ang ligtas na paglalayag ng mga sasakyang dagat ng Pilipinas na patungo sa Ayungin Shoal para maghatid ng mga pangunahing pangangailangan – tulad ng pagkain, tubig, gamot para sa mga Philippine Navy servicemen na nakadestino sa BRP Sierra Madre.
Ang BRP Sierra Madre ang lumang barkong pandigma na nagsisilbing outpost ng Philippine Navy sa Ayungin Shoal.
