MASARAP sa pakiramdam ng pagreretiro kung may inaasahang buwanang pensyon, ayon sa Social Security System (SSS), kasabay ng paglulunsad ng isang programang target isama ang hanay ng mga kasambahay sa talaan ng mga miyembro.
Sa pagsipa ng sabayang membership caravan ng SSS sa mga pangunahing commercial malls sa Metro Manila, binigyan-diin ng pamunuan ng ahensya ang bentahe ng pagiging SSS member ng mga kasambahay.
Kasabay ng inilunsad na programa, hinikayat din ang amo ng mga kasambahay na magpatala at maghulog ng buwanang kontribusyon para sa mga tagapagsilbi at katuwang sa kani-kanilang tahanan.
Bukod sa pensyon, kabilang din anila sa mga benepisyong matatanggap ng mga kasambahay na magiging SSS member ang proteksyon na nakasaad sa ilalim ng Employees’ Compensation Program.
Bukas din anila sa mga kasambahay ang SSS loan program kung saan pwedeng mag-apply ng salary at calamity loan.
