Ni ROMEO ALLAN BUTUYAN II
DALA ang mahigit P1.2 bilyong halaga ng serbisyo at cash assistance para sa mga residente ng Eastern Visayas, ikinasa ni House Speaker Martin Romualdez ang pinakabonggang Bagong Pilipinas Serbisyo Fair.
Bukod sa nabanggit na malaking halaga ng iba’t-ibang serbisyo ng gobyerno at tulong pinansyal, sinabi nina House Deputy Secretary-General at head ng BPSF National Secretariat Sofonias Gabonada, Jr. at Tingog Partylist Rep. Jude Acidre, nasa mahigit 241 kongresista lalahok sa naturang serbisyo caravan.
“Nandito ang mga congressman, 241 House members who will be visiting tomorrow to witness the Bagong Pilipinas Serbisyo Fair at gusto nilang makita na yung inilaan nilang pondo sa mga ahensya ng gobyerno at mga program nito ay naparating talaga sa mga tao,” ayon pa kay Gabonada.
Dagdag ng ranking House official, sa mahigit na P1.2 bilyong halaga ng ika-21 yugto ng BPSF, nasa mahigit P800 milyon ang para sa pamamahagi ng cash assistance.
Sa panig ni Acidre, binigyan-diin niya na ang pagdalo ng maraming kinatawan sa Serbisyo Caravan ay isang pagpapakita ng suporta ng mga miyembro ng Kamara sa inisyatiba ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na makapagdala ng positibong pagbabago hindi lamang sa Leyte at Eastern Visayas kundi sa buong bansa.
“Consistent po ang ating Speaker (Romualdez) at ang ating Presidente Marcos na ilapit ang serbisyo sa taong bayan. So let’s take advantage of it,” pahayag pa ni Acidre.
Nabatid na ito ang unang pagkakataon na isasagawa ang region-wide BPSF, kung saan mismong si Romualdez ang mangunguna sa opening ceremony sa Tacloban City, na sasabayan ng mga mas maliit na BPSF sa iba pang panig ng Eastern Visayas.
“If successful, we would replicate it (in other areas of the country),” sabi pa ni Gabonada. Ang Leyte ay isa sa apat na probinsya kung saan sabay-sabay na inilungsad ang BPSF noong nakaraang taon.
Samantala, nagpahayag ng paniniwala si Acidre na hindi maaapektuhan ng pagdaraos ng BPSF ang deliberasyon ng panukalang P6.352 trilyong badyet para sa susunod na taon.
Giit ng TINGOG partylist lawmaker na ang BPSF ay kadalasang isinasagawa sa huling bahagi ng linggo kung kailan walang sesyon o mga pagdinig.
Sinabi rin ni Acidre na ang pagdalo sa BPSF ay makapagbibigay ng makabuluhang pananaw sa mga kongresista kaugnay ng kahalagahan ng programa at ng pagpapatuloy nito upang mas maraming matulungan.
“With the momentum established by President Marcos and Speaker Romualdez, talagang kailangan doble kayod kami. Siguro kung ganyan kasipag ang Speaker, we (lawmakers) can do nothing less,” dagdag pa niya.
Si SRomualdez ay isa sa mga nasa likod ng BPSF na naglalayong mailapit ang serbisyo ng gobyerno sa publiko, na isa sa mga ipinangako ni Pangulong Marcos noong kampanya.
