DAHIL sa dami ng tumagas na langis mula sa lumubog na MT Terra Nova sa bahagi ng Manila Bay na sakop ng Limay, Bataan, hindi na nagawa pang awatin ang pagkalat ng krudong umabot na sa baybayin ng lalawigan ng Cavite.
Sa isang kalatas na inilabas ni Cavite Governor Jonvic Remulla sa kanyang Facebook post, partikular na tinukoy ni ng punong lalawigan ang mga barangay sa apat na baybaying bayan ng Ternate, Maragondon, Naic at Tanza.
Anang gobernador, kahapon ng madaling araw nang namataan ng mga residente ang unti-unting paghalik ng langis sa tabing dagat.
Reklamo ng mga residente ng mga apektadong barangay, nakakasulasok ang amoy sa kanilang komunidad
Samantala, ikinasa na rin ng pamahalaang panlalawigan ng Cavite ang mga ayudang ihahatid sa mga apektadong barangay sa mga naturang lokalidad.
Bago pa man umabot ang tumagas na langis, nagpahayag na ng pangamba ang grupong Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (PAMALAKAYA) sa nakaambang epekto sa kabuhayan ng mga mangingisda sa mga baybaying bayan ng Cavite.
Ayon sa grupo, higit sa 5,000 mangingisda ang apektado ng oil spill.
Bukod anila sa pagkadiskaril ng kabuhayan ng mga mangingisda, nakaamba rin ang kontaminasyon ng karagatang pinagmumulan ng malaking bahagi ng supply ng isda at iba pang yamang-dagat na binebenta sa merkado.
“Nangyari na ang aming kinatatakutan, yung kumalat ang langis sa kalakhan ng Manila Bay at maperwisyo ang kabuhayan ng maraming mangingisda,” ayon kay Pamalakaya Vice Chairperson Ronnel Arambulo.
