WALA sa mandato ng Bureau of Immigration (BI) na magdesisyon sa labas ng direktiba ng Pangulo, ayon kay Justice Secretary Crispin Remulla kasabay ng pagsuspinde sa 60-araw na deadline para sa paglisan ng mga foreign nationals na nagtatrabaho sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGO).
Ayon kay Remulla, may mga dapat pang ayusin ang pamahalaan sa isinasagawang phase-out ng gaming industry sa pagtatapos ng taon.
Partikular na tinukoy ni Justice Remulla ang kautusang inilabas ng BI noong Hulyo 24, matapos ihayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang polisiya ng administrasyon – bawal na ang POGO.
Para sa Kalihim, hindi aniya pwedeng ora-oradang magdesisyon at magpatupad ang BI ng isang ultimatum na labas sa itinakda ng Pangulo.
Paliwanag ni Remulla, may mga panuntunan ang pamahalaan at kabilang ang pagbibigay ng pagkakataon sa mga dayuhang POGO workers na kusang lisanin ang bansa.
“We don’t want people to be panicking because they did an order without consulting us,” ayon kay Remulla.
Una na ring sinabi ng BI na humingi na sila sa Philippine Amusement and Gaming Corp. (Pagcor) ng listahan ng mga dayuhang nagtatrabaho sa POGO.
Katwiran ng BI, higit na kailangan ng kawanihan ang naturang impormasyon para matunton ang mga dayuhan na posible anilang nasa bansa pa rin kahit sarado na ang pinagtatrabahuhang kumpanya.
Target umano ng BI bawiin ang working visa ng mga POGO workers.
