SA bisa ng direktiba ni Philippine National Police chief Gen. Rommel Marbil, exempted na sa drug test ang lahat ng aktibong miyembro ng PNP at maging ang mga sundalo mula sa Armed Forces of the Philippines (AFP).
Pero paglilinaw ni Marbil, ang exemption ay para lamang sa pagkuha ng license to own and possess firearms (LTOPF).
Bukod aniya sa drug test, hindi na rin umano kailangan sumailalim sa psychological at psychiatric examinations ang mga pulis at sundalong aktibo pa rin sa serbisyo.
Paliwanag ng PNP chief, bahagi anya ng ilang pagbabago sa sistema sa pagkuha at renewal ng gun license ng mga pulis at sundalo ang naturang direktiba.
Nang tanungin kung bakit hindi na kailangan pang isalang sa psychiatric test ang mga pulis at sundalo, sinabi ng hepe ng pambansang kapulisan na dumaan na sa mahigpit na pagsasanay ang mga unipormado para maging responsableng firearm holder.
Di na rin aniya kailangan sumalang sa drug test ang mga pulis at sundalo dahil obligado naman aniya ang mga ito na magprisinta ng patunay sa walang droga sa kanilang dugo bago pa man gawaran ng pagtaas sa ranggo.
“All active military and police personnel are no longer required to undergo DT (drug test) and PPE (psychological and psychiatric examinations) since they are already trained as responsible firearm holders,” nakasaad din sa memorandum.
Hindi naman pasok sa LTOPF exemption ang iba pang law enforcement agencies tulad ng National Bureau of Investigation, Philippine Drug Enforcement Agency at Philippine Coast Guard.
