
Ni HERNAN MELENCIO
DAIG pa ang drama sa pelikula ng nangyaring bangayan sa Bahay ng mga Kinatawan sa pagitan ng bise presidente at mga kongresista nung Martes. Pinag-usapan nila ang 2.03 bilyong pisong badyet para sa 2025 ng opisina ng bise presidente.
Nagkasagutan sila dahil sa di pagsagot ni Inday Sara Duterte sa mga tanong ng mga kongresista tungkol sa 125 milyong pisong confidential fund ng opisina niya noong 2022. Mahigit kalahati nito, o 73 milyong piso, ang tsinugi ng Commission on Audit, bagay na gustong marinig ng komite mismo kay Sara kung paano nangyari ‘yun. Pero sa halip na sagutin ang mga tanong, inaway ng ale ang mga nagtatanong. (Kung wala lang sigurong nakapagitang mesa sa kanila, baka natulad na sila sa sheriff sa Davao na nasapok ni Inday.) Squid tactics kung ilarawan ito sa Ingles kaya tinawag ni Rep. France Castro na pusit si Inday.
Sumisingasing sa galit na nagpakawala si Inday ng mga ad hominem. ‘Yun daw ang sagot niya sa kanila. Kesyo di dapat si Rep. Stella Quimbo ang namumuno sa panel, kesyo nahatulan na raw ng kidnapping si Castro at wala siya dapat doon, hindi raw siya pusit, inaalaska siya kaya dapat lang siyang payagang mang-alaska, hindi na raw siya sasagot at bahala na ang komite na ipasa ang badyet, pinagkakaisahan daw siya, at gusto siyang i-impeach ng mga taong di niya pinangalanan. Sa dami ng mga asar sa kanya ngayon, malamang na may mga taong gusto talaga siyang patalsikin sa pwesto, pero kung tatanungin mo ang mga kongresista, wala isa man sa kanila ang aamin. “Walang pinag-uusapang ganyan dito,” ang isasagot sa iyo. Mas lalong dapat kabahan si Inday.
Sa asta niyang ‘yun, nasabi tuloy ni Rep. Benny Abante na nananadya talaga siya para i-contempt ng komite at “kaawaan ng tao.”
Hindi kasi sanay si Inday na isinasalang sa ihawan. Siya ang nanunuwag, hindi siya ang sinusuwag. Hindi niya matanggap na marami sa mga nagmamano at lumuluhod sa harap ng tatay niya nung presidente pa ito ang umaaway sa kanya ngayon. Naaalala pa niya ang pagkunsinti sa kanya ni Bongbong “Dayunyor” Marcos nung sanggang dikit pa sila. Si Dayunyor ang nagbigay sa kanya ng 125M galing sa badyet ng opisina ng presidente, na ayon sa oposisyon e ilegal at labag sa Konstitusyon. Katunayan, may dalawang kaso tungkol sa paglipat na ito ang nakahain sa Korte Suprema ngayon.
Matatandaang si Leni Robredo pa ang bise presidente nung unang hati ng 2022 at 712M lang ang badyet ng opisina para sa buong taon. Naliitan si Inday dito nung naging siya na ang bise kaya humingi ng dagdag na 510.92M, 250M dito ang confidential and intelligence funds (CIF), para sa natitirang parte ng 2022. Marami rito ang sinopla ng Department of Budget and Management, pero pumayag nga si Dayunyor na bigyan siya ng 125M dahil sweet pa sila.
Naniniwala pa sila sa propaganda nilang “unity” kaya napakabilis pumasa ng badyet ni Inday para sa taong 2023. Wala nang tanung-tanong, si Dayunyor yata ang bosing ng marami sa Kongreso, walang bumabangga sa kanya, at magkabati pa sila ni Inday.
‘Yung nga lang, taong 2023 nang pumutok ang isyu ng 125M CIF ni Inday na ginastos niya sa loob lang ng 11 araw. Naiskandalo ang maraming tao kaya kaliwa’t kanan ang naging banat kay Inday sa labas ng Kongreso. Marami pa siyang kakampi noon sa Bahay, kabilang mismo si Quimbo na ipinagtanggol pa siya nang taus-puso. Pero sa lakas ng batikos ng mga tao at sa pananamlay ng suporta ni Dayunyor, napilitan si Inday na alisin na sa badyet ng 2024 ang CIF, kaya mula sa badyet na 2.3B noong 2023, naging 1.87B na “lang” ang badyet ng 2024. Ngayong hindi na talaga sila bati ni Dayunyor, hindi na rin siya humihingi ng CIF para sa 2025.
Ngayon, medyo delikado ang lagay ng badyet ni Inday. Mabibilang na lang sa daliri sa isang kamay ang kakampi niya sa Bahay. Nariyan si Rep. Gloria Arroyo na nagsabing di dapat pinag-uusapan ang 2022 badyet dahil 2025 ang nakasalang. Nariyan din si Rep. Isidro Ungab na minaliit ang notice of disallowance ng COA sa CIF ni Inday. Hindi naman daw naipapatupad ang mga disallowance ng COA dahil pwede itong iapela ng mga ahensiya nang habambuhay. May isa o dalawa pa siguro siyang kakampi pero hindi sila nakaporma sa dami ng mga kasapi ng komiteng nakapila para sana magtanong kay Inday.
Mukhang may tama talaga ‘yung nagsabing weder-weder lang ang pulitika sa Pinas.