SA kabila ng babala sa ng Commission on Audit (COA), pursigido ang Department of Transportation (DOTr) na ipasada ang 48 Dalian trains na binili sa ilalim ng administrasyong Aquino sa halagang P3.759 bilyon para sa Metro Rail Transit Line 3.
Ayon kay DOTr Assistant Sec. Georgette Aquino, gagamiting pampasada ang mga tren na gawa ng bansang China sa kalagitnaan ng 2025. Ang dahilan – hindi na kinakaya ng mga bagon ng MRT ang bugso ng mga pasahero.
Mula nang bilhin ng pamahalaan ang mga naturang tren taong 2014, hindi pa nakabyahe kahit minsan ang mga Dalian trains dahil sa mga nakitang depekto kabilang technical specifications na hindi umano akma sa sistema ng MRT-3.
Paliwanag naman ni DOTr Undersecretary Jeremy Regino, ginastusan ng supplier ang mga adjustment sa tren mula sa kanilang pondo.
“The Dalian trains were assessed by a third-party certifying body, that is the TUV Rheinland. So may mga rekomendasyon si TUV Rheinland na dapat gawin ni Dalian upang maresolba yung mga technical issues,” aniya.
“Ginawa naman po nila and, as a result of that, another test was conducted by another body, which is the Toshiba in Japan… Pumasa din sa final testing on safety worthiness ang mga Dalian,” dugtong pa ng opisyal.
Gayunpaman, nilinaw ni Regino na kailangan pa rin ng metikulosong “reevaluation” bago tuluyang lumarga at magkarga ng daan-daang libong pasahero kada araw.
