AGAD na sinuspinde ng pamunuan ng isang pampublikong paaralan sa Quezon City ang klase matapos makatanggap ng mensahe sa umano’y nakaambang pagsabog ng bomba.

Sa impormasyong ibinahagi ni Lt. Col. Aljun Belista na tumatayong hepe ng Kamuning Police Station, Huwebes ng umaga nang pauwiin ang mga estudyante ng Don A. Roces High School sa Barangay Obrero bunsod ng bomb threat.

Agad namang rumesponde ang mga operatiba mula sa Kamuning Police Station kasama ang District Explosive and Canine Unit (DECU) para tiyakin ang seguridad ng mga mag-aaral at guro sa nasabing eskwelahan.

Matapos galugarin ang paaralan, walang natagpuang bomba sa loob ng pasilidad.

Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa hangaring matukoy ang nagpadala ng mensaheng nagbunga ng pagkadiskaril ng klase.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *