Ni ESTONG REYES
SA kabila ng mga dokumentong patunay na siya at ang Chinese national na Guo Hua Ping ay iisa, nanindigan si dating Bamban Mayor Alice Guo na siya’y isang Pilipinong pinanganak sa bansa.
Bunsod ng pagmamatigas, muling na-cite in contempt si Guo sa di umano’t paulit-ulit na pagsisinungaling hinggil sa tunay na pagkatao.
“The chair cites Alice Guo or Guo Hua Ping in contempt for testifying falsely and evasively before this committee,” wika ni Sen. Risa Hontiveros na tumatayong chairperson ng Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality.
Sa rekord ng Senado, ang kapasyahan i-cite in contempt si Guo ay ikalawa na mula nang sumipa ang Senate inquiry kaugnay ng usaping nag-uugnay kay Guo sa illegal POGO. Una mang naglabas ng warrant of arrest ang komite laban s sinibak na alkalde noong buwan ng Hulyo bunsod ng hindi pagdalo sa pagdinig ng Senado.
Partikular na tinukoy ni Hontiveros ang pagmamatigas ng dating mayor na aminin na siya at si Guo Hua Ping ay iisang tao base sa pagsusuri ng National Bureau of Investigation ( NBI).
“This is a blatant defiance of the [our] constitutional power of inquiry… Pinaglalaruan mo ang aming batas at pinapaikot mo ang mga Pilipino. Pero ibahin mo ang Senado,” ani Hontiveros.
Giit ni Guo, siya’y isang Pilipino at ipinanganak sa Pilipinas.
“Ang alam ko ako si Alice Guo,” pahayag ng sinibak na mayor.
Tumanggi rin si Guo sagutin ang mga katanungan kaugnay ng kinakaharap na kaso — sagot na lalo pang ikinadismaya ng senadora.
Ayon kay Hontiveros, mananatili si Guo sa ilalim ng kustodiya ng Senado hanggat di tinutugon ang mga nakabinbing pag-uusisa ng komite kaugnay ng kanyang tunay na pagkatao.
“You will remain in the custody of the Senate until the conclusion of this committee inquiry or until you finally recognize the authority of this body and grant even a semblance of respect for the laws of this country,” aniya.
Gayunpaman, tiniyak ng panel chair na makikipag-ugnayan ang Senado hinggil sa pananatili ni Guo sa Senate detention center.
“The committee will coordinate with any court ordering your detention.”
